
Magkasalungat ang nararamdaman ng dalawang bida ng pelikulang Love Me Again na sina Piolo Pascual at Angel Locsin nang humarap sila sa The Buzz kahapon, January 11. Unang lumabas ang hunk na si Piolo Pascual sa interview ng host na si Boy Abunda. Sinabi ni Piolo na understatement na sabihing happy siya sa kasalukuyan. "More than happiness, I have joy in my heart," paliwanag ng aktor. "I'm so happy with all the achievements I've been getting and how the Lord has blessed me through the years. Magiging selfish na lang po ako 'pag sinabi kong hindi po ako masaya."
Naging very vocal din si Piolo na nagsabing sa ngayon ay wala siyang special girl na matatawag sa kasalukuyan. "To tell you honestly, I wish there is somebody but wala pa talaga." Kung meron man daw isang tao kung kanino siya hihingi ng tawad, ito ay walang iba kundi ang kanyang anak na si IƱigo."Because I don't get to spend much time with him," bungad ng binatang ama. "Twice ko lang siya nakita last year sa (United) States pagpunta ko. Gusto ko talaga, I want to make up for the lost time because hindi na rin siya bumabata." Kasalukuyan ngayong nakatira ang bata sa US kasama ang kanyang ina.
Sa kalagitnaan ng interview ay pinapasok ang leading lady ni Piolo na si Angel Locsin na may dalang birthday cake para sa aktor na nagdiriwang ng kanyang kaarawan sa January 12. Dito ay tinanong na si Angel kung bakit siya biglang naiyak noong kumanta sila sa ASAP ’09 ilang oras lamang ang nakakaraan. "Pasensiya na, malungkot lang ako personal 'yun 'yung sa akin," matamlay na sagot ng dalaga. Noong isang linggo lamang ay perfect 10 ang rating ni Angel sa kanyang career, family at love life. Ano kaya ang biglang nagbago dito? "Pero lately hindi na siguro natin makukuha nang sabay-sabay. 'Yun lang, malungkot lang ako personal." Naging matipid sa sagot si Angel at halatang ayaw sabihin ang tunay na dahilan ng kanyang pag-iyak.
Since mataas ang expectations sa una nilang tambalan ni Piolo sa pelikula, inamin ni Angel na sobrang taas rin ng pressure na nararamdaman niya. "Nararamdaman mo lalo 'yung pressure. Halo-halo talaga 'yung nararamdaman ko. Nagwi-wish lang po talaga ako na kung anuman ang expections ng tao, mapantayan po sana namin," wika ni Angel. Sinabi rin niya na mami-miss niya si Piolo dahil maaaring matagalan pa bago sila magtambal muli. "Mami-miss at mami-miss ko si PJ (Piolo) kasi antagal din naming nagsama at first leading man ko siya dito sa ABS-CBN.”


